Itong bitrate ay panibagong pagtatangka na muling magsulat tungkol sa popular na musika na manaka-naka’y, ginagawa ko naman na pero hindi pa sa puntong may kaseryosuhan tulad nang sa pag-sulat ko sa pelikula sa Missing Codec.
Muling pagsulat dahil ang pagsulat talaga tungkol sa popular na musika ang una kong naging tungtungan sa pagsulat mismo noong kabataan ko. Dahil may pinanggalingan ito sa personal na nakaraan, hindi maiiwasan ang kalidad na nostalgic sa ilang mga panulat. Mapapansin mo ito sa mga mauunang mga sulatin dito. Dahil dito ay nakatungtong din ang bawat panulat sa mas personal na posisyon (lagi namang personal ang panulat ko, pero hindi iyon natatawid ng may parehong distansya sa ingles). Mas malapit siguro sa disiplina ng “creative non-fiction” ito, pero pipilitin pa rin ang argumentasyon at pagteteorya.
Paraan ko na rin ito ng pagpapanibagong hubog sa ugnayan ko sa wika – kahit na baku-bako din naman ang pagsusulat ko sa Filipino. Tungtungan ng pagsasanay dahil ang mas malalaking mga hamon sa ilang mga ginagawa ko ngayon, sa tingin ko, ay dapat maisulat sa Filipino.
Wala akong inaaasahan sa feedback. Ganon din naman ang nangyayari sa Missing Codec, walang feedback. Kaya mas tuloy tuloy ang tendensiya kong magsulat lang ng kung ano ang gusto kong sulatin at bigyan siya ng istruktura batay sa kung saan ko sya gustong dalhin. Ipag-papasalamat ko na lang din sa iyo kung sakaling nabasa mo pa ang pangungusap na ito, at ang marami pang pangungusap na lalabas dito.